2 arestado sa P5.4-M na 'droga' galing Africa

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2018 09:06 AM

MANILA - Inaresto ng mga awtoridad ang 2 residente ng Damariñas, Cavite na pinadalhan ng "art table" mula Africa, pero may laman pala na 800 gramo ng hinihinalang shabu. 

Nasabat ng mga awtoridad ang P5.4 milyong halaga ng "droga" na galing pa mula sa bansa ng Congo, na ipinadala sa isang courier company. 

Ayon Bureau of Customs, nakakuha sila ng impormasyon ukol sa isang package na posibleng may lamang droga na dumating sa Ninoy Aquino International Airport noong Sept. 21.

Nagsagawa ang pulisya, Customs at Philippine Drug Enforcement Agency ng inspection sa package na idiniklerang art table, at dito nakita na may 800 gramo pala ng "shabu" sa loob ng art work.

Ayon sa NAIA inter-agency drug interdiction task group, gumawa sila ng controlled delivery sa address kung saan dapat ipapadala ang package.

Pumunta ang awtoridad sa Dasmariñas, Cavite kung saan yung naka-address ang delivery at dito nila nahuli nila ang 2 na mag live-in partner pinadalhan ng package. 

Itinanggi naman ng mga inaresto na alam nilang droga ang laman ng package.

- Ulat nina Jekki Pascual at Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.