SOCO: 19-anyos na lalaki, misteryosong nawala

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2017 12:49 PM

Nangamba ang mga magulang ng 19-anyos na criminology student na si Ramir “Ram-Ram” Roda Jr. nang hindi na ito nakauwi sa kanilang tahanan sa Maynila.

Kuwento ng kaniyang ama, nagpaalam si Ram-Ram na lalabas lang ng bahay noong Agosto 18 ng gabi.

“Bumaba siya ng bahay, eh nakita ko naman, namo-monitor ko naman na nandiyan sa may garahe [namin],” banggit ni Ramir Roda Sr.

"Kinaumagahan na po, [Agosto] 19. Nagising po ako nung umaga, wala siya sa higaan niya.”

Hindi na rin aniya sumasagot sa mga tawag si Ram-Ram.

"Tinatawagan po [namin siya], patay na ‘yung cellphone niya. Sabi ko, hindi na normal ito. Pati Facebook niya wala na. Totally dead na. Kinakabahan na kami."

Sinubukan ng pamilya Roda na humingi ng tulong sa mga kakilala ng binata, kasama na ang isa sa mga kaibigan ni Ram-Ram na si alyas Mark.

Ayon kay Mark, nakipagkita si Ram-Ram sa isang lalaking nagngangalang Jordan sa gasolinahan noong gabing iyon.

“Pagkatapos po nung [laro namin ng] basketball, pinakita na po [ni Ram-Ram] sa akin 'yung text ni Jordan. Nag-uusap po sila, kinakamusta siya. Pupunta po silang Valenzuela kasi birthday nung boss ni Jordan.”

Naging kakatwa aniya ang biglang pagkawala ni Ram-Ram na kilalang palabiro at masayahin.

"Napakakalog po na tao. Joker. Napakamasayahin na tao," sabi ni Mark. "Friendly po kasi siya. Lahat po napapakisamahan niya. Marami po siyang kaibigan."

Dahil sa mga nakalap na impormasyon, nagtungo ang mga magulang ni Ram-Ram sa nasabing gasolinahan.

“Humingi ako ng tulong sa mga staff [ng gasolinahan] na baka puwedeng matulungan kami kasi mag-24 oras na, hindi pa dumadating 'yung anak ko,” sabi ni Ramir Sr.

“Ni-review po ['yung CCTV]. May nakita kaming dalawang tao na nakaistambay. Dumating na po 'yung anak ko, naka-motor po.”

Ano nga ba ang nangyari kay Ram-ram? Sundan ang kuwento sa 'SOCO: Scene of the Crime Operatives' ngayong Sabado ng hapon, 4 p.m. pagkatapos ng 'Ipaglaban Mo!'

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.