Pamilya Castillo, hindi kumbinsido sa sumukong hazing suspect

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2017 09:24 PM

Sa kabila ng pagsuko ng pangunahing suspek sa pagkamatay ni Horacio 'Atio' Castillo III, sinabi ng pamilya ng biktima na nananatili silang may duda sa mga naging bagong pahayag nito. 

Byernes nang sumuko sa awtoridad si John Paul Solana kasunod ang paglabas ng iba't ibang testigo at CCTV na nagpapakitang sya ang nagdala sa walang buhay na katawan Atio sa Chinese General Hospital.

Sa pahayag ng pamilya Castillo, hindi sila kumbinsido sa mga rebelasyon ni Solano dahil nagawa na umano nitong magsinungaling sa kanyang naunang pahayag. 

"[W]e continue to view Solano's statements with utmost suspicion, as he has brazenly lied before under oath. Until he comes clean...and executes a truthful affidavit detailing all their participation, Solano, to our mind, should still be considered one of the principals in Atio's murder," diin ng pamilya. 

Sa naunang sinumpaang pahayag ni Solano, sinabi nito sa mga pulis na natagpuan nya ang nakabalot na katawan ni Atio sa isang kalsada at dinala ito sa ospital.

Ngunit matapos ang imbestigasyon, nalaman na si Solano pala ay myembro ng Aegis Jvris, ang fraternity na sinasabing nakapatay kay Atio. 

Sa pagsuko ng suspek, sinabi nitong hindi sya parte ng hazing ni Atio at tinawagan lamang ng ibang myembro ng fraternity upang magbigay ng medical assistance sa naghihingalo na umanong biktima.

Nangako si Solano na maglalabas ng bagong pahayag at idedetalye ang kanyang nalalaman tungkol sa insidente. 

Gayunpaman, magandang pag-usad sa kaso ang pagsuko ni Solano, ayon sa pamilya Catillo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.