Paaralan sa Laguna na walang permit, inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2017 05:00 PM | Updated as of Sep 23 2017 10:02 PM

Inireklamo ng dalawang magulang ang isang paaralan sa Laguna na wala umanong permit kaya hindi makapagbigay ng learners reference number (LRN) sa mga estudyante. 

Sentro ng reklamo ng dalawang magulang na dumulog sa 'Tapat Na Po' ang Star of Wisdom School of Cabuyao.

Ayon sa Department of Education (DepEd), ang LRN ay isang permanenteng numero na iniaatas sa bawat estudyante mula sa kanilang mga aprubadong eskwelahan. 

Patapos na sa elementarya ang anak ni Jennelyn Asis sa darating na Marso, habang hindi nakapagmartsa noong nakaraang graduation ang anak ni Mary Jane Legera dahil sa walang naibigay na LRN ang nasabing paaralan sa mga naging estudyante nito.

Napag-alaman nila na walang permit mula sa DepEd ang nasabing paaralan.

Umamin naman ang paaralan na kasalukuyan pa lang nilang inaasikaso ang kanilang permit kaya hindi pa makapagbigay ng LRN sa mga estudyante.

“Opo wala pang LRN (Learners Reference Number) ang mga batang nanggaling dito sa ating paaralan dahil wala pa po kaming School ID... kailangan muna po kaming mabigyan ng latest permit to operate para makapagproseso po sa aming kailangang LRN para sa bawat bata at ito po ay nasa proseso na,” pahayag ni Maria Victoria Castillo, school administrator. 

Humingi rin ng dispensa sa mga magulang ang paaralan at nangakong tutulong sila sa pagkuha ng Philippine Validating Test para magkaroon ng LRN ang mga bata. 

Nangako naman ang DepEd na tutulungan ang mga bata na makakuha ng LRN para hindi sila bumalik sa grade 1.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.