Ina ni 'Atio,' nais makausap ang sumukong primary suspect sa pagkamatay ng anak

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2017 12:34 PM

MANILA - Bukas ang ina ni Horacio "Atio" Castillo III na makaharap ang primary suspect na si John Paul Solano para alamin ang sinapit na hirap ng anak sa initiation rites ng Aegis Jvris fraternity, kung saan ito namatay noong isang linggo.

"Open ako, gusto kong malaman. Gusto ko siyang makausap," sabi ni Carmina Castillo, ina ni 'Atio', sa panayam ng DZMM nitong Sabado.

Biyernes nang sumuko sa awtoridad si Solano. Sa pahayag niya sa media, itinanggi niyang kasama siya sa initiation rites ni Castillo.

Ang tanging naging partisipasyon lamang niya umano ay ang pagbibigay ng medical assistance kay Castillo.

"I resuscitated Atio," ani Solano, isang medical technologist. Binanggit din niyang "half dead" na si Castillo nang kaniyang datnan.

Hindi na napigilan ni Gng. Castillo ang maiyak habang ipinapaliwanag kung bakit mahalaga bilang ina ang malaman kung paano namatay ang kaniyang anak.

"Siyempre gusto kong malaman kung anong nararamdaman ng anak ko noong panahon na 'yun... habang sinasabi nilang he was half dead, sana naisip nila when he was half dead na dinala na lang nila sa ospital, baka sakaling makaligtas pa 'yung anak ko," sabi ni Gng. Castillo.

Si Solano ang unang nagdala sa Chinese General Hospital kay Castillo kung saan siya idineklarang dead on arrival linggo ng umaga.

Nauna nang sinabi ni Solano na nakita lamang niya si Castillo sa bangketa sa may Balut, Tondo at nagmagandang-loob na isugod ito sa pagamutan.

Nang tanungin naman kung papayag ang pamilya na tumayo bilang state witness si Solano, sinabi ni Gng. Castillo: "Depende sa sasabihin niya." 

"Kung nagsinungaling siya dati, maaring nagsisinungaling pa rin siya," ani Gng. Castillo.

Bukas din aniya siyang makausap ang iba pang saksi sa kaso "to shed light kung anong nangyari sa anak ko."

"Wala na, 'di na nila maibabalik 'yung anak ko. At least sana man lang habang sinasabi nilang naghihingalo siya, ano 'yung kondisyon niya? Gusto ko sanang malaman kung nasaktan ba siya? Nahirapan ba siya? Para sa akin, masakit 'yun," sabi ni Gng. Castillo. 

Si Horacio, o "Atio" sa kaniyang pamilya, ay 22-anyos na law freshman sa University of Sto. Tomas.

"First year law student pa lang siya so he doesn't know what to expect," sabi ng kaniyang ina.

Ipinaalam naman sa kanila ni Castillo ang balak nitong sumali sa fraternity.

"Sinabi niya na nire-recruit siya, ini-invite siya na sumali dito. He was hesitant at first kasi alam niyang ayaw namin, but kinonvince nga siya na it's an academic fraternity. Mayroong frat library na puwedeng gamitin and all the resources, studying materials [are] there, so sabi niya siguro puwede rin," dagdag ng kaniyang ina.

Hinihikayat pa rin niya ang may mga kinalaman o nakakaalam kung paano namatay ang kaniyang anak "to come forward."

"Gusto ko lang malaman how he died. I just want to find out kung anong nararamdaman niya noong mga panahon na iyon,” aniya.

Sa Miyerkoles na nakatakdang ilibing si Castillo. Pero ayon sa kaniyang ina, paguusapan pa ng pamilya kung bubuksan ito sa publikong nais na makidalamhati sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.