Duterte, ibinunyag ang umano'y mga nagpopondo sa Maute

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2017 08:33 PM

Ipinakita ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Biyernes ng gabi ang umano’y patunay na may kaugnayan sa droga ang pondong gamit ng Maute group sa Marawi City. 

Inilabas ni Duterte ang listahang ng mga sinasabi nyang politiko at negosyanteng nasa droga na pumopondo sa operasyon ng Maute group.

Ang mga nakalistang personalidad ay nakabase sa Northern at Central Mindanao.

Mayroon pang iba sa lalawigan ng Lanao del Sur at maging sa Metro Manila.

Kasama sa matrix ang pamilya Parojinog sa Ozamiz City at si dating Marawi City Mayor Fahad 'Pre' Salic.

Hindi na rin umano nagtitiwala ang Pangulo sa ilang opisyal ng barangay dahil sila mismo ay sangkot sa droga.

Aniya, ito ang dahilan kaya gusto niyang iurong ang barangay elections sa susunod na taon.

Nahuli na ang ilan sa mga nabanggit sa listahan habang napatay naman sa police operation ang ilan sa mga Parojinog.

May ilan ding pinaghahahanap pa.

Bitbit ng Pangulo ang drug matrix sa kaniyang taunang media party sa Davao.

Dumepensa rin si Duterte sa paratang na may tagong-yaman siya. 

Sa kabila nito, nakapag-relax pa rin ang Pangulo at kumanta rin siya sa nasabing event. 

-- Ulat ni Vina Araneta, ABS-CBN News