Tauhan ni Espinosa, sumuko

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2016 07:05 PM

LEYTE - Sumuko ang isa sa mga malapit na tauhan ni Kerwin Espinosa, hinihinalang drug lord sa Visayas.

Kinilala ang sumukong tauhan na si Max Miro, 38, residente ng Sitio Tinago ng Brgy. Benolho sa Albuerra, Leyte.

Lakip na isinuko ni Miro ang caliber 9mm pistol na inisyu umano sa kanya ni Espinosa at ang higit tatlong (3) kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P24.6 milyon.

Sinamahan rin ni Miro ang mga kapulisan ni Chief Inspector Jovie Espenido para kunin ang itinagong shabu sa silong ng cabinet ng kanilang bahay.

Kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng Albuera Police Station ang sumukong tauhan ni Espinosa.

Ayon kay Espenido, balak din niyang gawing witness si Miro para kilalanin ang iba pang opisyal ng gobyerno na nagsilbing protektor ng mag-amang Espinosa.

-- with reports from Geron Ponferrada, ABS-CBN News