MAYNILA — Halos maghapong naramdaman ng mga motorista at residente ng Quezon City ang tinatawag na smog o smoke at fog ngayong Biyernes.
Sa Commonwealth Avenue, kita ang makapal na smog kung saan mistulang maagang nagdilim ang kalangitan na animo’y nagbabadya ang pag-ulan.
Kita rin ang epekto ng smog sa Quezon Memorial Circle kung saan nabalot nito ang mga puno at halos hindi na makita nang malinaw ang Quezon Memorial Shrine at ang mga gusali sa paligid nito.
Kapansin-pansin naman na may ilang nagsuot na rin ng face mask bilang pag-iingat sa posibleng epekto ng smog subalit mas marami pa rin ang walang suot nito.
Ang call center agent na si Princess Jampolina, isa sa mga muling nagsuot ng face mask sa takot na makaapekto ito sa kanyang kalusugan.
“Kasi nakakatakot yung hamog eh, sabi dahil daw sa polusyon,” sabi ni Jampolina.
Wala namang dalang face mask si Christine Abordo kaya nagtakip na muna siya ng panyo para iwas sa epekto ng smog.
Nakaramdam naman ng pananakit ng lalamunan at iritasyon sa ilong si Maria Agnes Gomez kaya minabuti niyang magsuot na ng mas makapal na face mask.
Una nang nilinaw ng Philvocs na walang kaugnayan ang volcanic smog o vog mula sa Bulkang Taal sa nararanasang fog o smog dito sa Metro Manila.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.