PatrolPH

#WalangPasok sa Setyembre 23 dahil sa habagat, bagyong Karding

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2022 02:01 PM

MAYNILA — Suspendido ang klase sa lahat ng antas sa lalawigan ng Cavite sa Biyernes bilang paghahanda sa bagyong Karding, ayon kay Governor Jonvic Remulla.

Naging ganap na bagyo na ngayong Huwebes ang low pressure area na nasa bandang gitnang Luzon at tinawag na “Karding”.

Ayon sa PAGASA, maaring itong magdala ng malalakas na pag-ulan sa hilaga at gitnang Luzon.

"Sabi ng PAGASA: 'scattered rain showers' lang daw. Pero yung 'scattered' baka delubyo ang dating!" sabi ni Remulla sa kaniyang social media post.

Kumikilos ang bagyo pa-silangan at maaring tumama sa kalupaan ng Isabela o Cagayan sa araw ng Linggo. 

Ayon sa PAGASA, posibleng mag-isyu ng wind signal no. 1 sa bandang hilaga at ilang bahagi ng gitnang Luzon dahil sa bagyo.

Nagbabala ito na maaring maranasan ang malakas na pag-ulan sa hilaga at gitnang Luzon sa Sabado. 

Patuloy ring makararanas anila ng kalat-kalat na pag-ulan ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa dahil sa southwest monsoon o habagat.

I-refresh ang page na ito para sa updates.

- ulat ni Rose Carmelle Lacuata at Michael Delizo, ABS-CBN News

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.