PatrolPH

Truck na may kargang 75 baboy nahulog sa bangin; driver, pahinante sugatan

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2022 04:51 AM

Di na binilang kung ilang baboy ang nabuhay at namatay sa aksidente sa bayan ng Diadi, Nueva Vizcaya, dahil utos umano ng may-ari na huwag nang galawin ang truck, ayon sa awtoridad. PNP Diadi
Di na binilang kung ilang baboy ang nabuhay at namatay sa aksidente sa bayan ng Diadi, Nueva Vizcaya, dahil utos umano ng may-ari na huwag nang galawin ang truck, ayon sa awtoridad. PNP Diadi

Nahulog sa bangin sa bayan ng Diadi, Nueva Vizcaya ang isang truck na may kargang mga baboy bandang alas tres ng hapon ngayong Miyerkoles, Setyembre 21. 

Sa imbestigasyon ng Diadi Police, binabaybay ng cargo truck ang pababang bahagi ng national highway sa Brgy. Nagsabaran nang bigla itong nawalan umano ng preno. 

Nawalan na rin ng kontrol sa manibela ang driver hanggang sa dumiretso at nahulog ang cargo truck sa bangin na humigit-kumulang 20 metro ang lalim. 

“According sa driver nawalan siya ng preno hanggang na-lose control siya, ’yun nahulog ang sasakyan,” sabi ni Police Maj. Roderick Rabago na hepe ng Diadi Police.

Sugatan ang driver at pahinante na agad naman dinala ng rescue team sa Diadi Emergency Hospital na kinalaunan ay inilipat sa Region 2 Trauma and Medical Center sa Bayombong, Nueva Vizcaya.

Galing Bulacan ang cargo truck at papunta sanang Tuguegarao City, Cagayan para mag-deliver ng 75 baboy nang mangyari ang aksidente.

“Hindi na nabilang ’yung namatay tsaka nabuhay [na baboy] kasi sabi ng may-ari huwag gagalawin, kaya hindi namin binuksan,” ani Rabago.

Nakuha rin ng may-ari ang mga baboy na ikinarga na lang sa ibang sasakyan. 

Patuloy naman ang imbestigasyon sa insidente. Pero paalala ng Pulisya sa mga motorista na siguraduhing maayos ang kanilang sasakyan bago ibiyahe para makaiwas sa disgrasya. – Ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.