PatrolPH

Sako-sakong dumi ng tao at hayop sa Batangas, nagdulot ng perwisyo

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2022 08:10 PM

MANILA — Nagdulot ng napakabahong amoy ang sako-sakong pinaghalong dumi umano ng hayop at tao na nagkalat sa Diversion Road sa Taal, Batangas.

Ayon kay Taal Mayor Pong Mercado, mula umano sa isang truck ang nasabing mga dumi.

Nais malaman ni Mercado kung sinadya o aksidente lamang ang nangyari.

“Hindi ko alam kung intentional o unintentional, super baho, grabe,” sabi ni Mayor Mercado.

Dahil sa napakabahong amoy, nagreklamo na ang mga galit na mga residente at motorista.

Ayon kay Taal Police Chief Maj. Dante Majadas, natunton nila sa tulong ng CCTV ang dump truck na inabandona sa bayan ng Sta. Teresita.

Pero nang wala nang nagbabantay na mga pulis, biglang nawala ang truck.

Ayon kay Maj. Majadas, nakuha naman nila ang plaka ng truck at nakikipag-ugnayan na sila sa LTO.

Pinag-aaralan na rin ang kasong pwedeng isampa sa drayber o kumpanya nito.

Iniutos na ni Mercado ang clearing operations.

Nasa 3 mini-truck na ng mga dumi ang nakolekta na agad ibinaon sa hukay.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.