PatrolPH

Lolo, pamangkin patay nang makuryente habang namimitas ng gulay sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2022 02:23 PM

Nasawi ang isang 75 taong gulang na lalaki at kaniyang pamangkin matapos na makuryente umano sa kabundukan ng Barangay Sta. Rosa, Mulanay, Quezon.

Nakilala ang mga biktima na sina Fabian Bia at Sherwin Mediavilla.

Ayon kay PCapt. Joseph Ian Java, hepe ng Mulanay police station, dakong alas-6 ng gabi Miyerkoles nang matagpuan ni Reymark Mediavilla ang bangkay ng kaniyang tiyo at pinsan malapit sa nakalaylay na kawad ng kuryente.

Sinundan umano ni Reymark ang mga biktima sa bundok dahil hindi pa bumabalik ang mga ito matapos magpaalam na mamimitas lamang ng gulay.

Posible umanong hindi napansin ng mga biktima ang nakalaylay na kawad ng kuryente na nababalot ng mga damo.

Iniimbestigahan pa kung sino ang may pananagutan sa pagkamatay ng mga biktima.

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

KAUGNAY NA VIDEO: 

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.