TFC News

Konsulado ng PH sa HK, nagbabala tungkol sa social media modus

TFC News Hong Kong

Posted at Sep 22 2021 03:23 PM

HONG KONG -- Nagbigay babala ang Philippine Consulate General sa Hong Kong patungkol sa modus operandi ng pag-aalok umano ng trabaho sa siyudad at sa iba pang bansa gamit ang social media sites.

“Pinapaalalahanan ang publiko na mag-ingat sa mga “recruiters" na nag-aalok ng trabaho sa Hong Kong at iba pang bansa gamit ang mga social networking sites…,” ayon pa sa anunsiyo ng Konsulado sa kanilang Facebook page.

Ang mga nasabing recruiter ay nag-aalok ng trabaho sa HK at sa iba pang bansa pero kapalit naman nito ay malaking halaga ng placement fee. Dagdag pa ng Konsulado na matapos maipadala ng “biktima” ng modus operandi ang placement fee ay hindi na macontact ang “recruiter” o di kaya’y idinadahilan ang travel restrictions sa HK at iba pang bansa sa pagka-delay ng diumano’y deployment. 

Paalala pa ng Konsulado na sa mga accredited employment agency at kinauukulang otoridad at ahensiya lamang ng Pillipinas makipag-ugnayan patungkol sa job hiring sa Hong Kong.

Samantala, abiso ng POEA o Philippine Overseas Employment Administration para sa overseas job seekers na laging magberipika ng overseas job offers sa POEA Verification System sa kanilang official website at maaari ring i-email ang ahensiya sa kanilang Information Center: connect@poea.gov.ph.

 

Sources: PCG in Hong Kong | POEA