MAYNILA—Tinutugis pa rin ng pulisya ang 55-anyos na suspek sa pamamaril ng menor de edad na babae sa kanilang bahay sa lungsod ng Imus, Cavite noong Biyernes.
Kinilala ang suspek na si Reynaldo Managan, live-in partner ng tiyahin ng 12-anyos na biktima.
Ikinamatay ng bata ang 4 na tama ng bala sa katawan.
Ayon kay Police Lt. Col. Gerald Dee, hepe ng Imus police, nag-ugat ang pamamaril sa inis umano ng suspek sa pagkaantala ng linya ng internet sa bahay nila sa Barangay Alapan 1-B.
Sa paunang imbestigasyon ng pulis, naputol ang panonood ng suspek ng palabas na naka-stream sa TV.
Pinagalitan niya at inakusahan ang batang nakahugot umano ng internet connection.
Nauwi ito sa pagtatalo nina Managan at ng kinakasamang tiyahin ng bata nang pumagitna siya.
Sa kainitan nito, bigla na lang pinagbabaril ng suspek ang biktima.
Dinala pa ang bata sa ospital pero namatay kalaunan.
Inaalam pa ng mga pulis kung may lisensya ang 9mm na baril ng biktima na bitbit niya nang tumakas.
Ayon sa nakalap ng pulis, hindi nakainom ang suspek at wala ring naiulat na insidente sa bahay bago ang pangyayari.
Sinampahan na si Managan ng kasong murder Lunes. Patuloy pa siyang hinahanap ng mga awtoridad.
Samantala, iniuwi ang mga labi ng bata sa kanyang pamilya sa Tarlac para ipagluksa.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.