Facebook user nagpanggap bilang si PNP chief Cascolan para makapang-scam

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2020 12:29 PM | Updated as of Sep 22 2020 01:51 PM

MAYNILA - Isang Facebook user ang nagpapanggap bilang si Philippine National Police (PNP) chief Police Gen. Camilo Cascolan para makapanghuthot, sabi ngayong Martes ng pambansang kapulisan.

Nagsasagawa na ng case-build up operation laban sa suspek, na posibleng maharap sa mga kasong paglabag sa anti-cybercrime law, ayon kay Police Brig. Gen. Dennis Agustin ng PNP Anti-Cybercrime Group.

Isang malapit na kaibigan ni Cascolan ang nagsumbong sa hepe ukol sa pagpapanggap ng suspek.

Nagkunwari umano ang Facebook user bilang si Cascolan at inalok ang pamangkin ng kaibigan ng hepe ng reassignment sa gusto nitong puwesto kapalit ng P10,000.

Nagbabala naman si PNP Spokesperson Police Col. Ysmael Yu laban sa mga kaparehong modus.

Nasa 76 tao na ang kinasuhan sa 113 magkakahiwalay na insidente ng cybercrime habang 27 violators ang naaresto mula nang magpatupad ng COVID-19 lockdown sa bansa noong Marso, ani Yu.

Pinaigting ng mga awtoridad ang anti-cybercrime operations dahil inasahan nilang dadami ang mga ito, lalo sa mga lugar na nasa ilalim ng community quarantine kung saan bumaba ang mga insidente ng mga “traditional crime,” paliwanag ni Yu.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.