Photoshoot na gamit ang household items, viral sa social media

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2020 02:54 PM | Updated as of Sep 22 2020 03:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Inulan ng mga positibong komento ang photoshoot na ginawa ng isang estudyante mula Bohol na nagmistulang pang-"Top Model" ang datingan kahit mga household items lang ang gamit nito.

Glamorosa ang kinalabasan ng photoshoot na pinangunahan ni Bayan Patroller Cijan Losaynon Cimagala, 21 anyos mula sa Candijay, Bohol noong September 12, kahit "low budget photoshoot" lang ang tema nito at lahat ng props na ginamit ay mahahanap lamang sa kanilang tahanan.

Cellphone din lang ang kaniyang gamit sa pagkuha ng retrato sa kaniyang 2 kapatid at pinsan na kaniyang modelo.

Sabi ni Cimagala, sa bahay niya lang naisipang gawin ang photoshoot dahil bawal pa rin namang lumabas.

Pangarap ni Cimagala na maging isang professional photographer.

Bukod sa mga photoshoot, tumatanggap din siya ng mga nais magpa-edit ng mga retrato.

P50 hanggang P100 load ang binabayad sa kanya, at iniipon niya ito para sa kanyang online classes na magsisimula ngayong ika-26 ng Setyembre. 

Third year college na si Cimagala ngayong pasukan sa kursong Hospitality Management sa Bohol Island State University-Candijay Campus. 

Dagdag pa ni Cimagala, diskarte lang at imahinasyon ang kailangan ngayon dahil darating ang panahon, matutupad din ang pangarap sa buhay.

Labis ang pasasalamat ni Cimagala sa mga positibong komento na kanyang natatanggap mula sa mga netizens. 

Mensahe niya na sana ay nakapagbigay ito ng kasiyahan sa kanila at huwag kalimutang patuloy na manalig sa kabila ng mga pinagdaraan sa buhay. 

Sa kasalukuyan ay mayroon ng 35,000 reactions at 34,000 shares ang kanyang post. 

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.