Nasa P3.4-milyong halaga ng shabu nasabat sa Parañaque

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2020 05:37 AM

MAYNILA - Timbog ang isang 29-anyos na lalaki matapos mahulihan ng milyon-milyong halaga ng shabu sa isang buy-bust operation ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Parañaque City nitong Lunes.

Nakipagkita ang target na si "Dodong" sa nagpanggap na buyer mula sa PDEA-NCR Eastern District Office sa Dr. A. Santos Avenue sa San Isidro bandang alas-8:30 ng gabi. 

Sa sasakyan ginawa ang transaksyon at sinundan pa ng mga operatiba hanggang mahuli ang suspek. 

Nakumpiska mula sa kanya ang 500 gramo o kalahating kilo ng shabu na may tinatayang halaga na P3.4 milyon.

Ayon kay Adrian Alvariño, regional director ng PDEA-NCR, itinuturing nilang high value target si Dodong na isa sa mga malalaking supplier ng shabu sa mga lungsod sa timog at silangang bahagi ng Metro Manila. 

Nagpakilala si Dodong na nagtitinda ng mga overrun ready-to-wear clothes pero hinala ng PDEA ay cover lang ito ng suspek. 

Suki umano ng suspek ang mga barangay-level drug pusher at ibang parokyano na sunod nang ita-target ng PDEA. 

Kakasuhan siya ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. 

Isasailalim naman sa drug clearing operations ang mga barangay na napag-alamang binabagsakan ni Dodong ng kaniyang produkto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.