Mag-iina sugatan matapos madaganan ng cement mixer truck sa Caloocan

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2020 05:48 AM | Updated as of Sep 22 2020 08:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Naipit ang paa ng isang babaeng driver habang sugatan naman ang dalawa niyang anak matapos madaganan ng isang cement mixer truck ang kanilang kotse sa Caloocan nitong Martes ng hatinggabi.

Ayon kay Jumar Candiza, security guard na nakakita sa aksidente, mabilis ang takbo ng cement mixer truck habang binabaybay nito ang 10th Ave. Hindi nagmenor ang truck at nang lumiko ito sa 8th Ave. ay nabangga ang kotse.

Sa lakas ng pagkakasalpok ay tumagilid ang mixer truck at nadaganan ang harapang bahagi ng kotse.

Tumangging humarap sa media ang mga kaanak ng mga nasugatan pero kinumpirma nila na mag-iina ang tatlo.

Tumakas naman ang driver ng cement mixer truck at pahinante nito. Agad naisugod sa ospital ang mga sugatan at nasa maayos nang kalagayan ayon sa mga kaanak.

Nagkalat sa kalsada ang krudo mula sa truck at natapon rin sa kalsada ang semento na laman ng mixer truck habang yupi naman ang pulang kotse.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.