Mag-asawang magsasaka sa Albay, patay nang maanod sa ilog

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2020 08:38 PM

LIBON, Albay - Namatay ang mag-asawang magsasaka matapos tangayin ng rumaragasang tubig habang tumatawid sa ilog sa bayang ito Lunes ng hapon.

Nakaligtas naman ang kanilang 12 anyos na anak.

Kinilala ang mag-asawang biktimang sina Ritchell Pontanes, 37, at Maricel, 35, mga residente sa Purok Dalagang Bukid.

Ayon sa pulisya, umakyat ng bundok ang mag-asawa, kasama ang anak, para kumuha ng kawayan.

Kuwento ng bata, inalalayan siya ng ama sa pagtawid ng ilog, maging ang kaniyang ina, sa Barangay Talin-Talin.

Pero, bigla na lang tinangay ng tubig ang kaniyang mga magulang dahil sa malakas na buhos ng ulan.

Naisugod pa sila sa ospital pero binawian rin ng buhay.

- Ulat ni Karren Canon

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.