Higit P400,000 halaga ng hinihinalang shabu nasabat sa Caloocan

Lyza Aquino , ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2020 05:51 AM

MAYNILA - Nakumpiska ng pulisya ang mahigit P400,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Brgy. 7, Caloocan nitong Lunes ng gabi.

Ayon kay Police Capt. Ramon Acquiatan Jr, hepe ng Northern Police District drug enforcement unit, arestado rin sa operasyon ang suspek na si “William” na dati nang nakulong ng tatlong taon dahil din sa pagtutulak ng droga.

Ikinasa nila ang operasyon laban sa suspek matapos makatanggap ng impormasyon mula sa ilang concerned citizens hinggil sa pagtutulak nito ng malakihang halaga ng droga.

Gamit ang boodle money ay nakipagtransaksyon ang mga pulis alas 7 ng gabi sa J. Ramos St. Nakumpiska nila sa suspek ang kontrabado na may bigat na 60 gramo.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.