Ex-UP Fighting Maroons, 4 iba pa huli sa Parañaque drug bust

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2020 03:34 PM

MAYNILA - Natimbog ng mga awtoridad ngayong Martes ang isang dating basketball player ng University of the Philippines at 4 na kasamahan nito sa buy-bust operation sa Parañaque City.

Ayon kay Adrian Alvariño, direktor ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-National Capital Region, pangunahing target ng operasyon ang dating UP Fighting Maroon na si Kevin Astorga, na nagbenta ng high-grade marijuana o kush sa isang poseur-buyer.

Nahuli rin ang 4 na kasama ni Astorga sa pot session sa loob ng isang gusali sa BF Homes, ayon kay Alvariño. May ilan pa umano silang kasamahan na nakatakas.

"Nakita itong lugar ay ginagawang puwestuhan ng illegal drug trade. Doon nagkakaroon ng party, mga cocaine," ani Alvariño.

"Nag-conduct tayo ng surveillance. Marami kasamahan itong si Kevin Astorga, marami inimbitahan na kaibigan from affluent families," dagdag niya.

Nakumpiska umano sa mga suspek ang nasa 150 gramo ng kush at ilang sachet ng hinihinalang cocaine, na nagkakahalagang halos P200,000.

Nakuha rin sa kanila ang drug paraphernalia at 2 cellphone, ayon sa mga awtoridad.

Tumangging magbigay ng pahayag si Astorga.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang patuloy naman ang pagtugis sa iba pang suspek, anang PDEA.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.