Pagawaan ng mga pekeng dokumento sa Recto nilusob ng NBI; 6 timbog

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2019 04:49 PM | Updated as of Sep 22 2019 06:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Arestado ang 6 indibidwal nitong Linggo matapos i-raid ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 2 umano'y pagawaan ng mga pekeng dokumento sa Recto.

Sinalakay ng mga awtoridad ang masikip na eskitina kung saan huli sa akto ang 6 tao na gumagawa ng mga pekeng ID ng Social Security System, TIN, barangay clearance, NBI clearance, diploma, at iba pa.

Aminado naman ang barangay na hirap silang tukuyin kung ano ang lehitimong establisimyento at alin ang ilegal.

"Hindi natin maiwasan katulad ng mga ganitong lugar na liblib, 'yung iba kasi ang front ay wedding invitation, 'yung sa loob pala ay pekeng dokumento," ani Ronald Gacula, chairman ng Barangay 310, Zone 31 ng Sta. Cruz, Maynila.

Nag-ugat ang operasyon sa pagkakaaresto ng babaeng gumamit ng pekeng pasaporte sa tangka niyang paglipad pa-Japan noong Agosto.

Ayon sa International Airport Investigation Division ng NBI, isa ang pasaporte sa mga madalas pinepeke ngayon.

"Talagang talamak kahit nga dito sa Immigration, 'yung mga nag-a-abroad kung minsan, gumagamit sila ng pekeng dokumento, 'yung iba nakakalusot," ani Atty. Ruel Dogayon, executive officer ng naturang dibisyon.

Target ng NBI na mapasara ang mga kapareho pang negosyo sa Recto, kung saan parokyano rin ang ilang estudyante sa university belt.

—Ulat ni Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.