Libreng bakuna kontra polio ibibigay sa mga bata simula Oktubre

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2019 04:41 PM | Updated as of Sep 22 2019 04:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bilang tugon sa pagbabalik ng polio sa bansa makalipas ang halos 2 dekada, mamamahagi ang gobyerno ng libreng bakuna laban sa naturang sakit para sa mga batang may edad 5 pababa.

Sa programang "Salamat Dok," sinabi ni Health Undersecretary Eric Domingo na magkakasa ang gobyerno ng polio outbreak response sa Metro Manila, Laguna at Mindanao simula Oktubre 14.

"Lahat ng bata na 5 years and below, starting October 14, magbabakuna tayo. Patak lamang ito, walang injection, libre," ani Domingo.

Sa mga barangay health center maaaring magpabakuna ang mga bata pero magkakaroon din ng pagbabahay-bahay, ayon kay Domingo.

"Kailangan sugpuin natin ito nang mabilis at saka nang maaga para hindi na kumalat," dagdag ng opisyal.

Ang polio ay isang nakahahawang sakit na ang ilan sa mga sintomas ay lagnat, panghihina ng katawan, pagsusuka, paninigas ng leeg, pangangalay ng mga kamay at paa. Maaaring mauwi ito sa pagkaparalisa o pagkamatay ng pasyente.

Mas mataas ang tsansa ng mga bata na magkaroon ng polio kumpara sa mga matatanda, ani Domingo.

Nauna nang ibinunyag ng Department of Health na may mga kumpirmadong kaso ng polio sa Lanao del Sur at Laguna matapos ang 19 taong pagiging polio-free ng Pilipinas.

Nakitaan din ng polio virus ang ilang water sewage samples sa Maynila at Davao.

Bukod sa pagpapabakuna, pinayuhan din ni Domingo ang mga magulang na turuan ng proper hygiene ang mga bata para makaiwas sa sakit.

"This is something we can avoid by protecting our children and proper sanitation [gaya ng] paghuhugas ng kamay, pagluluto nang tama, at pagpapakulo ng tubig na gagamitin ng mga bata," ani Domingo.

MARIKINA

Sa Marikina, nag-umpisa na ang pagpapabakuna sa mga bata kontra polio.

Aabot sa 200 bata ang napatakan ng bakuna sa isinagawang medical mission ng lokal na pamahalaan sa Barangay Concepcion Uno, ayon kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro.

Nasa 40,000 bata sa lungsod ang target mabakunahan ng pangontra sa polio.

Nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa mga opisyal ng mga barangay at pamahalaan para makumpleto ang pagpapabakuna, ani Teodoro.

Sasabay din ang Marikina sa polio outbreak response ng DOH para sa mga batang may edad 5 pababa, sabi ng alkalde.

-- May ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.