Bilanggo pumuga sa PNP Custodial Facility sa Butuan City

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2019 05:17 PM | Updated as of Sep 22 2019 06:48 PM

BUTUAN CITY - Nakatakas ang isang bilanggo mula sa custodial facility ng Butuan City Police Station 5 Biyernes ng gabi.

Ayon sa Butuan City Police Office, alas 6:45 ng gabi tumakas si Jay-R Mendoza, 28 anyos.

Huli na nang mapansin ng jail custodian na wala na sa kulungan si Mendoza. Kumuha lang umano ito ng pagkain para kay Mendoza at pagbalik niya ay wala na ito sa loob.

Brownout din nang mga oras na iyon at sinamantala niya na sirain ang isang steel bar ng selda at doon dumaan para makalabas.

Para hindi makita ng mga pulis, sa likod ito ng police station dumaan para makapunta sa kalsada.

Si Mendoza ay may kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at nahuli ito sa buy-bust operation noong Setyembre 19.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang awtoridad sa nangyari habang tinutugis na rin ngayon ang pugante.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.