500 paratroopers ng Amerika, PH lumahok sa airborne exercise

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2019 04:46 PM

Aabot sa 500 paratroopers mula sa militar ng Amerika at Pilipinas ang lumahok sa kauna-unahang joint airborne operations exercise sa Basa Air Basa sa Floridablanca, Pampanga ngayong umaga ng Linggo.

Sakay ng mga passenger aircraft, isa-isang nagtalunan sa taas na 1,200 feet ang mga sundalo mula US 4th Infantry Brigade Combat Team, US 25th Infantry Division, at Armed Forces of the Philippines.

"Airborne is rapid deployment. So if you want to bring troops immediately to the ground, airborne is the best way to do it," ani Lt. Col. Ramon Zagala, tagapagsalita ng Philippine Army.

Tinawag din ang okasyon na "friendship jump" dahil sa pagpapalakas umano nito ng pagkakaibigan at pagtutulungan ng 2 bansa.

Huling nagsagawa ng airborne operation sa bansa noong 1970s dahil sa noo'y giyera sa Cotabato, ayon sa Philippine Army.

Taong 1962 naman nang simulan ang pagsasagawa ng airborne training sa Pilipinas.

"You always train for something even if you don't expect it to happen. Just in case you need, it's there, you have the capability," ani Lt. Gen. Macairog Albert, commanding general ng Philippine Army.

Samantala, ibinida rin ang kakayahan ng mga bagong amphibious assault vehicle (AAV) sa isinagawang amphibious exercise sa pinagsamang batalyon ng Philippine Army, Philippine Navy, at Philippine Air Force sa Subic Bay.

Umabot sa 8 AAV ang binili ng gobyerno bilang bahagi ng military modernization program.

-- Ulat ni Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.