3 suspek sa pagkamatay ng PMA cadet dahil sa hazing tinukoy ng pulisya

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2019 01:22 PM | Updated as of Sep 22 2019 06:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

BAGUIO CITY — Itinuturing na ngayong mga suspek sa pagkamatay ng Philippine Military Academy (PMA) cadet ang 3 taong nauna nang tinukoy na persons of interest sa kaso.

Maaalalang Miyerkoles nang pumanaw ang 20 anyos na si 4th class cadet Darwin Dormitorio dahil sa blunt force trauma na tinamo umano niya dahil sa hazing.

Ayon sa pulisya, bukod sa 3 suspek na hindi pa pinangalanan ay nadagdag ang 2 kapwa kadete ni Dormitorio sa mga itinuturing na persons of interest. 

"Iyung 2 persons of interest ngayon we officially classify them as suspects and we might add some more cadets depende sa lalabas sa investigation natin if they are involved directly or indirectly," ani Police Col. Allen Rae Co, acting director ng Baguio City police. 

"Meron pa tayong 2 more persons of interest... Meron na kasing evidence as well as testimonies which tend to prove 'yung culpability nila," dagdag ng opisyal.

Tinitingnan naman ng PMA kung ilang beses nabugbog si Dormitorio dahil bago namatay ay 2 beses pa itong na-confine sa ospital noong Agosto.

"Officially sa report... he was first brought to the hospital noong August 20 and was confined for 8 days... And then noong September 6," rebelasyon ni Co.

Tinitingnan din ang mga CCTV footage sa loob ng akademya.

Noong Sabado ay naiuwi na sa Cagayan de Oro ang mga labi ni Dormitorio, kung saan sinalubong siya ng mga nagdadalamhating pamilya at kaibigan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.