Trak ng relief goods naaksidente sa Baguio; food packs natapon

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2018 04:09 PM


BAGUIO CITY - Halos 1,000 food packs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang bumalandra sa isang bahagi ng Kennon Road matapos sumadsad sa gilid ng kalsada ang truck na may dalang relief goods, Sabado.

Pasado alas-11 ng umaga nang bumanga sa gilid ng kalsada ang 10-wheeler truck na magdadala sana ng relief goods sa Loakan, Baguio City, isa sa mga lugar na apektado ng Typhoon Ompong.

Nakalaan sana sa pag-airlift ang relief goods para sa mga bayan ng Bakun at Kabayan, Benguet, mga malalayong bayan na tinamaan din ng bagyo. 

Ayon sa driver ng truck na si Jordan Obar, sumadsad ang truck sa gilid ng daan dahil bigla umano itong nawalan ng preno.

Inilipat ang mga relief packs sa truck ng Philippine Army habang ang ilang nasirang kahon ay dadalhin muna sa warehouse ng DSWD para i-repack, ayon sa awtoridad.

Sisikapin ng DSWD na mapabilis ang pagre-repack para maihabol ang mga ito sa tulong na ipapaabot sa iba pang bahagi ng Benguet, sabi ni Jacqueline Belino, Social Welfare Officer II ng DSWD - Cordillera.

Hindi magsasampa ng kaso ang DSWD laban sa driver, ayon sa pulisya.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.