Tatay ng alkalde ng Alcala, Pangasinan, patay sa pamamaril

Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2018 10:10 PM

ALCALA, Pangasinan—Patay ang ama ng alkalde ng bayang ito matapos itong pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin ngayong Sabado.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, sakay ng kaniyang pick-up ang 60-anyos na biktimang si Mario Callejo nang pinagbabaril ito ng mga lalaking sakay ng 2 motorsiklo.

Naganap ang pananambang bandang alas-3 ng madaling araw habang papunta ang biktima sa isang ginagawang tulay kung saan siya ang contractor.

Si Callejo ay kagawad sa Barangay Gualsic at ama ni Alcala Mayor Jojo Callejo.

Nagtamo ng mga tama ng bala ang nakatatandang Callejo sa balikat, braso at tagiliran, sabi ng mga pulis.

Patuloy na hinahanap ng mga pulis ang mga salarin at patuloy na iniimbestigahan ang mga posibleng motibo sa krimen.

Tumanggi muna magbigay ng pahayag ang pamilya habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.