Survivors sa Itogon landslide, 'posibleng' nasa mga tunnel: Tolentino

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2018 07:45 PM | Updated as of Feb 05 2020 02:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bagama’t isang linggo na matapos maganap ang landslide sa Itogon, Benguet bunsod ng pananalasa ng bagyong "Ompong" ay hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang rescue officers na may makukuha pang buhay sa lugar.

Nitong Sabado ng hapon, 10 bangkay ang narekober sa ground zero ng landslide kaya't umabot na sa higit 40 ang bilang ng mga nahukay na katawan sa Barangay Ucab. 

Ngunit sa kabila ng pahayag umano ng Department of Health (DOH) na baka wala nang nakaligtas sa insidente, sinabi ni Presidential Adviser on Political Affairs Francis Tolentino na hindi nila aalisin ang tsansang may matagpuan pang buhay sa ilalim ng lupa.

Inihalimbawa pa nila ang nangyari sa Thailand kung saan matapos ang halos 10 araw ay nasagip nang buhay ang mga miyembro ng soccer team sa loob ng kuweba.

“Ang sabi naman ng OCD (Office of Civil Defense), there is a slim chance na may possibility pa na may buhay dahil napakaraming tunnel sa ilalim at [puwedeng] doon nagtago ang iba,” ani Tolentino sa isang press conference. 

Ani Tolentino, isa hanggang dalawang araw pa ang kanilang bibilangin para makapasok sa tunnels ang rescue team upang matingnan kung may senyales pa ng buhay sa loob.

Kung wala na talaga, tututukan na ng grupo ang search and retrieval operation sa mga bangkay.

Dagdag niya, hindi titigilan ng kanilang kampo ang retrieval operations hangga’t hindi narerekober ang lahat ng nawawala. 

Gayunpaman, pinangangambahan ng rescue team ang peligrong maaaring dalhin ng bagyong "Paeng" na papasok sa Linggo.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.