Supplier umano ng ‘damo’ arestado sa Puerto Princesa

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2018 10:01 AM

Hindi na nakapalag pa ang suspek nang maaresto sa buy-bust operation sa Barangay Irawan, Puerto Princesa City. Larawan mula sa Puerto Princesa City Police Station 2

PUERTO PRINCESA CITY - Nasakote sa buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Police Station 2, Anti-Crime Task Force at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang lalaki na nagbebenta umano ng marijuana, Huwebes ng gabi, sa Barangay Irawan dito sa siyudad.

Nang mahuli ang suspek, doon na rin nila nalaman na may kaso pa itong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nakuha mula sa suspek ang P200 marked money at isang transparent sachet na naglalaman ng hinihinalang dahon ng marijuana.

Ang naturang suspek din ang itinuturong supplier ng marijuana sa lungsod.

Ayon sa suspek, galing pa ng Maynila ang supply niya ng marijuana. Pinaghahanap na ng awtoridad ang taong pinagkukunan ng marijuana sa Maynila ng suspek.

Nakakulong na ang suspek na nahaharap sa panibagong kaso ng paglabag sa RA 9165.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.