SOCO: 1 patay, 3 sugatan sa away-kapitbahay sa Rizal

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2018 03:00 PM

 

Dead-on-arrival ang 45-anyos na si Reynaldo Loyola matapos magtamo ng isang saksak sa kaliwang kili-kili mula sa nakaalitang kapitbahay sa Bgy. Subay, Cardona, Rizal noong Nobyembre 12, 2017.

Nagtamo naman ng tig-isang sugat sa kaliwang bahagi ng kili-kili ang asawa nitong si Marivic at bayaw na si Frederick Magboo. Saksak sa kanang bahagi ng braso ang tinamo naman ng isa pang bayaw nitong si Michael.

Ayon kay Marivic, nagkaroon sila ng salu-salo ng kaniyang mga kapatid nang dalawin sila ng kapitbahay nilang sina Randy at Marvin Mongaya.

"Ayaw ko ng gulo. Ang ginawa ko, 'yung mga itak, kutsilyo, basta 'yung lahat ng makakasakit, pinagtatabi ko siya. 'Yung mga matutulis na bagay. Kasi ang mga kapatid ko'y maiinitin [ang ulo]," kuwento ni Marivic.

Umalis nang sandali ang magkapatid, pero bumalik ang dalawa na armado. Inundayan ng magkapatid ng saksak si Reynaldo.

Ayon ka Marivic, nagblangko ang paningin niya sa nasaksihan. 

"Parang ang tingin ko kahit maliwanag pa, madilim na lahat. Wala akong nakikitang tao," ayon kay Marivic.

"Paglapit ko naman, ako naman ang dinali," dagdag niya.

Sumunod na inatake ng magkapatid sina Frederick at Michael.

"May tama rin ako. Di ako puwedeng umiyak at 'pag ako naiyak parang kinakapos ako ng hininga," pag-alala ni Marivic sa insidente.

Napag-alaman ng mga awtoridad na may hidwaan na sa pagitan ng dalawang pamilya bago ang insidente. Natuklasan din nilang may nakapag-video ng buong pangyayari kaya agad nilang nakilala ang mga suspek.

"May isa kasi na residente doon na may hawak ng cellphone. Eh nung nagkakahabulan na po sila doon sa may kalsada, 'yun po, kinunan na po niya ng video," ayon kay PO1 Leonard Wal, on-case investigator ng Cardona police.

Nakatakas ang mga suspek. Maging ang mga kaanak ng magkapatid ay lumisan din sa lugar.

"Gustong-gusto kong makuha ang hustisya ng kaso ng asawa ko. Gusto kong [magbayad] ang may kasalanan," ani Marivic.

Mapapanood ang buong kuwento sa "SOCO" ngayong Setyembre 22, Sabado, 4:15 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!" sa ABS-CBN.

Sundan ang "SOCO" sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.