Pantawid Pasada Card nakuha na ng mga tsuper at operator sa Baguio

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2018 12:56 PM

Nakuha na ng mga driver at operator ng jeepney sa Baguio City ang kanilang Pantawid Pasada cards mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Leo Mercado, ABS-CBN News 

BAGUIO CITY – Umarangkada na ang distribusyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng nasa 4,000 na Pantawid Pasada Program cards para sa mga tsuper at operator ng jeepney sa Baguio City, Sabado.

Naglalaman ang bawat card ng P5,000 na maari nilang gamitin para makapagpa-gasolina.

Ayon sa Regional Director ng Department of Transportation Cordillera (DOTr-CAR), subsidiya ito ng pamahalaan na layong maibsan ang hirap na dinaranas ng mga driver at operator bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at mga bilihin dulot ng TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) law.

Pero para sa mga tsuper, kulang na kulang pa ang P5,000. Hiling nila, maaprubahan na ang kanilang petisyon na dagdag piso sa pamasahe.

Sa susunod na taon, inaasahang maging P20,000 na ang subsidiyang matatanggap ng mga operator at driver mula sa nasabing programa.