Mga sundalong sangkot sa Samar 'misencounter,' kinasuhan ng multiple murder

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2018 12:10 AM

Nahaharap sa kasong multiple murder ang mga sundalong sangkot umano sa sinasabing misencounter sa Sta. Rita, Samar noong Hunyo kung saan 6 na pulis ang namatay at 9 naman ang nasugatan.

Naihain ang kaso noong Agosto 29 sa Provincial Prosecutor's Office sa Basey, Samar, ayon kay Supt. Ma. Bella Rentuaya, regional information officer ng Police Regional Office 8. 

Ang mga kaanak ng mga namatay na pulis ang nagfile ng kaso katulong ang Sta. Rita Police.

Ayon naman kay Major Gen. Raul Farnacio, commander ng 8th Infantry Division ng Philippine Army, wala pa silang kopya ng pormal na reklamo at nakahanda naman itong sagutin ng mga sundalo.

Dagdag niya, humaharap na rin sa military proceedings ang mga sangkot na sundalo na kasapi ng 87th Infantry Battalion.

"Ongoing ang pre-trial investigation sa amin kasi mayroon din military court para ma-address itong ginawa nila," aniya.

Siniguro rin ang opisyal na pagkatapos ng nasabing misencounter, may mga ginagawa silang mga paraan upang hindi na maulit ang katulad na pangyayari.

"Mayroon kami mga protocol na na-establish 3 months after that, marami na kaming practice na na-improve para di na maulit ito," ani Farnacio.

Siniguro rin niya na maibibigay ang karampatang tulong para sa mga pamilya ng biktimang mga pulis.

Nitong Huwebes, nakipagpulong ang mga opisyal ng militar at pulisya kasama ang iba't ibang ahensiya ng gobyerno para maipalaam sa mga pamilya ng biktima ang mga tulong na maibibigay sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.