Mga job order ng QC, umaaray sa parating delayed na sahod

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2018 07:17 PM | Updated as of Feb 05 2020 02:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv


Maraming tauhan ng gobyerno ang biktima rin umano ng "ENDO" o end of contract dahil kahit inaabot na ng dekada sa trabaho ay hindi pa rin regular. Ang tawag sa kanila: job orders.

Sa Quezon City, may ilang job orders ang nagreklamo sa "Tapat Na Po" dahil parating delayed umano ang kanilang suweldo.
    
Isa na dito ang security guard sa isang pampublikong paaralan sa QC na si alyas "Wally."
    
Nasa 13 taon na siyang job order, o ibig sabihin ay nakakontrata lang siya na nire-renew kada anim na buwan.
    
Reklamo ni Wally, palagi na lang daw delayed ng dalawang buwan ang sahod nila kaya hikahos sila sa pera.

"Sa pagkain namin kulang na kulang pati sa pambayad ng bahay. Saan kami kukuha nun," ani Wally. 

Hindi nag-iisa si Wally dahil si alyas Gardo, palaging delayed din ang sahod galing sa QC City Hall.

"May mga anak po ako. Gutom po ang pamilya ko. Wala pong pang-gastos, pamasahe, o pang gastos araw-araw," hinaing ng padre de pamilya. 

Idinulog ng Tapat Na Po kay Quezon City Administrator Aldrin Cuña ang problema ng job order workers sa kanilang lungsod.

Aniya, "normal" lang daw na nade-delay ang suweldo.

"Pagtiyagaan muna dahil kahit anong reforms ang gawin namin, may government accounting na susundin, may HR (human resource) rules na kailangan sundin so magkakaroon ng delay," ani Cuña.

Payo pa ng City Hall sa mga nagrereklamo, ayusin nila ang kanilang mga dokumento.

"Comply with all the requirements and make sure to coordinate with the campus administrator to make sure that all the documents are in order," ayon kay Cuña. 

Pero nilinaw ng mga nagrereklamo na kumpleto naman sila sa papeles na ipinasa.

"Dinadahilan nila matagal kami magpasa, pero 'pag nagbigay [sila] ng memo ginagawa naman namin agad," ani Wally. 

Kung puwede nga lang daw, sila na ang mag-followup ng proseso galing sa division office papunta sa accounting office ng City Hall para lang mapabilis at mabawasan ang delay ng pagpasok ng kanilang sahod.

Aantabayanan ng Tapat Na Po ang magiging resolusyon ng naturang isyu.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.