Mga botante dumagsa para sa barangay, SK elections sa Marawi City

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2018 11:35 AM | Updated as of Sep 22 2018 12:07 PM

MARAWI CITY - Dumagsa ang mga botante Sabado sa paaralan sa lungsod na ito para sa isasagawang barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Isa-isang kinapkapan ang mga botante bago sila makapasok sa Sagonsongan Elementary School. May mga naka-deploy ring pulis at sundalo sa mga polling center para masiguro ang maayos na eleksyon.

Labindalawang barangay ang boboto sa nasabing paaralan.

Dahil sa mahigpit na seguridad, paunti-unti ang pinapapasok sa loob ng paaralan.

Sa labas kung saan nakapila ang mga botante, may ilan na namimigay pa rin ng flyers at campaign materials pero hindi sila sinisita.

Sa loob naman ng paaralan, nakabantay ang mga pulis malapit sa polling center. Ilan sa kanila ay nasa loob na mismo ng polling center para masigurong matiwasay ang pagboto ng mga residente.

Sa kabila nito, hindi pa rin maiwasan na magkatulakan. May isang botante rin ang hinimatay.

Sisikapin umano ng mga awtoridad na lahat ay makaboto.

Bago magsimula ang botohan, may mga pulis na itinalaga para magbantay sa mga balota para masigurong walang mang-aagaw sa mga ito.

Sa mga nakaraang eleksyon, may mga sadyang nang-aagaw ng balota para i-delay o para magdeklara ng failure of elections.

Siniguro naman ng mga pulis na lalabas sila sa polling center oras na magsimula ang botohan.