Mahigit 50 katao nabiktima umano ng food poisoning sa Muntinlupa

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2018 09:41 PM

Nasa 50 katao ang isinugod sa ospital dahil sa pinaniniwalaang food poisoning sa Muntinlupa City nitong Sabado.

Ayon sa inisyal na impormasyon mula kay Senior Supt. Gerardo Umayao, hepe ng Muntinlupa Police, nagsagawa ng feeding program sa Barangay Poblacion pasado alas-6 ng gabi.

Matapos nito ay sunod-sunod nang uminda ng sakit ng tiyan at pagsusuka ang mga residente na dinala sa Ospital ng Muntinlupa upang malapatan ng lunas.

Sa ngayon ay may mga rescue group sa Southville 3, Barangay Poblacion kung sakaling may iba pang kailangang dalhin sa ospital.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang dahilan ng pananakit ng tiyan at pagsusuka ng mga residente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.