Mahigit 3,000 jeepney driver sa Negros, nakatanggap na ng Pantawid Pasada card

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2018 05:55 PM

BACOLOD CITY - Dumagsa ang mga jeepney operators mula Negros Occidental Sabado ng umaga sa isang hotel sa lungsod na ito para sa pagtanggap ng mga Pantawid Pasada Card.

Pinangunahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board at ng Land Bank of the Philippines ang pamimigay ng 3,800 na mga pantawid cards sa mga operators sa probinsiya.

Ang mga operators ang siya namang magbibigay sa kanilang mga jeepney drivers.

Ayon kay Janet Solinap, Chief Transportation Development Officer ng LTFRB - Region 6, naglalaman ng P5,000 ang kada card at puwede itong magamit hanggang sa katapusan ng taon.

Daragdagan ang laman ng card sa susunod na taon, aniya.

Aniya, magiging malaking tulong ito sa mga drivers ngayong pataas nang pataas ang presyo ng langis.

Laking pasasalamat naman ng presidente ng Federation of Bacolod City Drivers Association (FEBACDA) na si Elizabeth Katalbas sa pagbigay ng Pantawid Pasada cards. Aniya, malaking tulong ito para sa mga jeepney drivers.

Sa susunod na Sabado, magpapatuloy ang distribution ng mga card sa Bacolod para sa mga hindi pa nakakakuha.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.