Lalaki patay nang saksakin ng mga kainuman sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2018 10:09 AM | Updated as of Feb 05 2020 02:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Patay ang isang technician matapos umano pagsasaksakin ng mga kainuman sa Malibay, Pasay City Miyerkoles.

Nakabulagta na sa kalsada ang biktimang si Marianito "Buboy" Duque nang abutan ng kaniyang pinsan. Nagtamo ito ng 15 saksak sa dibdib, tagiliran at ibang bahagi ng katawan.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival.

Base sa imbestigasyon ng Pasay City Police, nakikipag-inuman si Duque kasama ang magkapatid na sina Antonio at June Picardo bago mangyari ang insidente.

Ayon sa testigo, nagpaputok ng baril si Duque, tinanggal ang mga bala ng bitbit na kalibre .38 saka inabot kay June.

Hindi umano ito nagustuhan ni June kaya sinaksak niya si Duque gamit ang ice pick.

Pinagtulungan umano ni June, kapatid na si Antonio at anak na si Ricardo ang biktima.

Nakunan sa CCTV ang insidente pati na ang pagtakas ng mga suspek sakay ng pedicab. Itinakbo rin nila ang umano'y baril ni Duque.

Naaresto na ng mga pulis si Ricardo na umuwi sa kanilang bahay matapos ang insidente.

Itinanggi niyang sangkot siya sa pagpatay kay Duque.

Patuloy naman ang paghahanap sa magkapatid na Antonio at June.

- ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.