Ilang magsasaka sa 'Tienda Malasakit' ng DA, idinaing ang 'nakawan'

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2018 07:37 PM

Nalugi umano ang ilang magsasakang nagbebenta sa "Tienda Malasakit" ng Department of Agriculture (DA) dahil sa "pagnanakaw" at "pananamantala" ng ilang mga mamimili sa murang bentahan doon. 

Ayon sa magsasakang si Ben Balomo, mayroon silang mamimiling hindi nagbabayad kahit na halos 50 porsiyento ang natitipid nito sa mga gulay, karne, at prutas sa nasabing programa. 

Dagdag niya na mayroong ulat ng mga mamimiling gumagamit ng crate para magnakaw ng ani. 

“Mayroong nakakita ng tao na hindi nagbabayad…Mayroong nagkuha ng isang crate,” aniya. 

 Presyuhan ng gulay sa Tienda Malasakit: 

  • Sibuyas - P39 kada kilo (karaniwang P100 kada kilo) 
  • Repolyo - P80 kada kilo (karaniwang P160 kada kilo) 
  • Carrots - P120 kada kilo (karaniwang P200 kada kilo) 
  • Sili - P400 kada kilo (karaniwang P900 kada kilo) 
  • Patatas - P75 kada kilo (karaniwang P80 kada kilo) 
  • Sayote - P40 hanggang 60 kada kilo (karaniwang P80 kada kilo) 
  • Talong - P55 kada kilo (karaniwang P80 kada kilo) 
  • Kamatis - P50 kada kilo (karaniwang P60 kada kilo)

Sa kabila nito, bukas pa rin ang mga magsasaka na bumalik para magbenta ng mga murang produkto na galing pa ng Mindanao. 

Umaasa naman ang mga mamimili na aabot sa palengke ang mga murang bilihin sa harap ng pagsipa ng inflation. 

Isasagawa kada linggo mula Biyernes hanggang Linggo ang Tienda Malasakit sa Bureau of Plant Industry sa Malate, Maynila. 

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.