Hepe ng pulis arestado sa 'pagnanakaw' sa mga nahuhuling suspek

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2018 10:11 AM | Updated as of Feb 05 2020 02:47 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Arestado ang hepe ng pulisya ng Bocaue, Bulacan sa isang entrapment operation sa mismong tanggapan nito Sabado.

Nahuli si Supt. Jowen Dela Cruz sa pinagsamang operasyon ng iba't ibang sangay ng Philippine National Police (PNP). 

Ikinasa ang operasyon matapos magreklamo ang kapatid ng isang preso na naaresto sa isang buy-bust operation noong Setyembre 5.

Ayon sa nagreklamo, kinuha ng mga pulis ang sasakyan ng suspek bagama't hindi naman ito kasama sa ebidensiya.

Ginagamit rin umano ni Dela Cruz ang nasabing sasakyan sa kaniyang mga personal na lakad.

Sa pakikipag-usap ng pamilya ng suspek kay Dela Cruz, napagkasunduang ibabalik ang sasakyan kapalit ng cellphone.

Bukod sa sasakyan, ninakaw pa umano ng mga pulis ang mga motorsiklo, sapatos at iba pang gamit ng suspek.

Sa pagsisiyasat ng PNP, napatunayang ginagamit ni Dela Cruz ang sasakyan.

Nadiskubre rin ng mga pulis na madalas itong ginagawa ni Dela Cruz. Nasa dalawa pang sasakyan ang umano'y nakuha sa buy-bust operation at sa istasyon ng pulis.

Isa sa mga pulis na tauhan ni Dela Cruz ang umamin na iniuutos nito na tuwing may buy-bust ay kuhanin ang mga sasakyan sa paligid.

- ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.