Blogger nag-sorry dahil sa 'bomb scare' post; PNP di kumbinsido

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2018 08:02 PM


Humingi na ng paumanhin ang blogger na si Drew Olivar sa kaniyang bomb scare post sa social media.

Sa isinagawang press conference sa Camp Bagong Diwa sa Taguig nitong Sabado, nag-sorry si Olivar sa mga naalarma sa kaniyang post.

Giit niya, wala siyang intensiyon na takutin ang publiko at nais lang daw niyang pag-ingatin ang mga nakikiisa sa kilos protesta sa pag-alala ng 46th anniversary ng martial law declaration.

"September 8 pa po marami na akong nababasa na kagaya ng post ko, kaya natakot din ako sa mga magra-rally," paliwanag ng blogger.

Hindi naman kumbinsido dito si National Capital Region Police Office chief Director Guillermo Eleazar.

Ayon kay Eleazar, posibleng sampahan si Olivar ng reklamong paglabag sa Presidential Decree 1727 o ang Anti-Bomb Joke Law, na may parusang pagkakakulong nang hanggang limang taon.

“Hindi masyadong binibigyan ng weight 'yun. Sa atin, ang elements...Kung may makikita tayong violation, proper documentation and referral of case sa yan DOJ,” ayon kay Eleazar. 

Nakatakdang ilabas ng NCRPO ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa mga susunod na araw.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.