Sekyu arestado matapos magpaputok ng baril sa Davao

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2017 11:44 AM

DAVAO CITY - Arestado ang isang security guard matapos itong magpaputok umano ng baril sa loob ng isang village nitong Biyernes ng madaling araw.

Ayon sa mga kasama nito, imbes mag-duty, uminom ng alak si Jimmy Aledo sa may Sarmiento Village, Panacan.

May nakaalitan si Aledo sa nasabing lugar nang magwala na ito sa kalasingan.

Sa imbestigasyon ng Sasa Police, may duty detail order si Aledo ngunit dinala nito ang kanyang shotgun sa labas ng kanyang pinagtatrabahuan.

"Nangihi daw ni gibadlong nya nasuko..ang mga security guards bawal sila magdala sa ilang pusil outside sa ilang aor kung asa sila nga establishment naka duty dapat didto lang sila maghupot og pusil," ayon sa hepe ng Sasa Police, P/Sr.Insp. Noel Villahermosa.

(Umihi daw ito, tapos pinagsabihin, nagalit. Ang mga security guards bawal silang magdala ng kanilang baril sa labas ng kanilang area of responsibility. kung saan sila naka-duty na establishment dapat doon lang sila maghawak ng baril.)

Ngunit ayon kay Aledo, hindi siya nagpaputok ng baril.

Kinumpiska ng Sasa Police ang shotgun ng nasabing sekyu, ang apat na bala at isang empty shell.

Kakasuhan ng Illegal Possession of Firearm, Illegal Discharge of Firearm at Alarm and Scandal ang security guard.