Lalaki, pinatay sa saksak ang nobya dahil umano sa selos

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2017 08:47 PM

Patay ang isang babae matapos saksakin ng kaniyang kasintahan sa Barangay 6, Sto. Niño Extension sa Tacloban nitong Huwebes, 
Setyembre 21.

Papasok umano sa trabaho ang babae kasama ang suspek nang bigla nitong pagsasaksakin ang kasintahan habang naglalakad.

Agad binawian ng buhay ang biktima matapos magtamo ng 17 saksak ng kutsilyo sa katawan.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, sinaksak din ng suspek ang sarili gamit ang hawak na kitchen knife matapos mapatay ang kaniyang kasintahan.

Nakayakap pa sa kaniyang kasintahan ang lalaki nang maabutan ng mga pulis na duguan at nakahadusay sa tabi ng kalsada.

Buhay pa ang lalaki nang matagpuan kaya agad siyang dinala sa ospital.

Selos ang isa sa mga tinitingnang anggulo ng mga awtoridad sa nangyari.

Sasampahan ng kasong murder ang suspek na ngayon ay patuloy na ginagamot sa ospital.

-- Ulat ni Geron Ponferrada, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.