Kasong rape vs. Vhong Navarro, ibinasura ng DOJ

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2017 10:03 PM

Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang mga kasong rape at attempted rape na isinampa ni Deniece Cornejo laban sa "It's Showtime" host na si Ferdinand "Vhong" Navarro.

Nitong Biyernes, Setyembre 22, inilabas ng DOJ ang review resolution na nagsasabing walang probable cause sa mga paratang kay Navarro. 

Ayon sa DOJ, hindi kapani-paniwala ang mga akusasyon ni Cornejo lalo't pabago-bago anila ang kuwento sa kanyang tatlong sinumpaang salaysay.

Sa unang affidavit, walang rape na sinasabi si Cornejo.

Pero nagbago ang kanyang kuwento sa mga sumunod na salaysay.

Hindi rin kapani-paniwala ang kuwento ni Cornejo sa umano'y rape na naganap noong Enero 22, 2014 base sa CCTV footage ng condo niya, ayon sa DOJ.

Lumabas kasi na humigit-kumulang sa isang minuto lang ang itinagal ni Navarro sa unit ni Cornejo.

Sa salaysay naman ni Cornejo, marami ang naganap sa loob ng isang minuto na iyon.

Ang mga kilos ni Cornejo sa loob ng elevator, hindi raw normal na kilos ng sinumang na-rape o na-molestiya, ayon sa DOJ.

Tanong pa ng DOJ, bakit nagawa pang halikan si Cornejo ang kaibigan niyang si Cedric Lee matapos dalhin ng kanilang grupo si Navarro sa istasyon ng pulis?

Tatlong imbestigasyon na rin ang ginawa kung saan napawalang-sala na si Navarro sa dalawa.

Kinasuhan naman ni Navarro ng perjury si Cornejo sa korte kaugnay sa kanyang sinumpaang salaysay.

Laking pasasalamat ng kampo ni Navarro sa DOJ at tuloy daw ang laban niya kaugnay ng serious illegal detention at grave coercion case laban kay Cornejo at Lee.

Isinampa ni Cornejo ang reklamong rape at attempted rape laban sa TV host sa Taguig Prosecutor's Office noong 2014 kaugnay sa umano'y mga insidenteng naganap sa loob ng isang condo unit sa Taguig City.

Dahil sa pag-inhibit ng ilang piskal, nakarating ang kaso sa tanggapan ng DOJ nito lamang Setyembre 6, 2017.

-- Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.