CHR at gobyerno, sinalungat ang isa't isa sa UN Human Rights Council

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2017 11:16 PM | Updated as of Sep 23 2017 02:03 AM

Muling humarap sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa Geneva, Switzerland ang Pilipinas upang maibahagi ang katayuan nito pagdating sa usapin ng karapatang pantao. 

Sa report ni Ambassador Evan Garcia, sinabi niyang 103 sa 257 na rekomendasyon ng United Nations (UN) ukol sa human rights ang tinanggap ng gobyerno ng Pilipinas.

Mahigit sa 90 na rekomendasyon naman ang "noted," o pag-aaralan pa ng gobyerno.

Samantala, may 55 rekomendasyon na ibinasura ang gobyerno, kabilang dito iyong may mga kinalaman sa umano'y extrajudicial killings sa ilalim ng kampanya kontra droga.

Kasama rin dito ang mga rekomendasyon ukol sa death penalty, at planong pagbaba ng edad para sa criminal responsibility.

Bilang independent human rights group ng Pilipinas, nagsalita rin si Karen Gomez Dumpit ng Commission on Human Rights (CHR) na sinalungat ang pahayag ng gobyerno.

Binanggit din ng CHR ang naunang boto ng Kamara na P1,000 budget para sa ahensiya, ang pagkaka diskubre ng secret cell sa Manila Police District, at mga banta laban sa media at human rights defenders.

Sunod-sunod din bumanat sa war on drugs ang ilang international non-governmental organization.

Matapos sumalang ang Pilipinas, ibinunyag ng CHR na wala umanong naging koordinasyon ang gobyerno sa kanila tungkol sa naging ulat.

Sa kabila nito, ikinatuwa naman ng CHR ang pagtanggap ng pamahalaan ng mga rekomendasyon ng UN pagdating sa karapatan ng kababaihan, mga manggagawa, lesbian, gay, bisexual, and transgender (LGBT) community, at iba pang sektor.

-- Ulat ni Miguel Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.