3 lalaking bumabatak, nakuhanan sa body cam ng pulis-Tacloban

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2017 12:54 AM | Updated as of Sep 22 2017 12:56 AM

Tatlo ang arestado kabilang na ang isang barangay kagawad na nakuhanan ng video habang gumagamit ng droga sa isinagawang raid ng pulisya sa hinihinalang drug den sa Tacloban City.

Sinalakay ng Tacloban City Police ang isang paupahang bahay na hinihinalang drug den sa Barangay 65 Paseo de Legaspi.

Pero hindi gaya noon, may nakasukbit na sa kanilang body cam para idokumento ang kanilang operasyon.

Nang makapasok sa paupahan, naabutan nila sa isang kuwarto ang tatlong lalaking gumagamit ng shabu.

Kinilala ang isa sa mga naaresto na si Marlo Idanyol, barangay kagawad sa Paseo de Legaspi.

Nasa drugs watchlist din ang kasama niyang si Marino Mendoza.

Nakuha sa kanila ang apat na sachet ng hinihinalang shabu at ilang drug paraphernalia.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang tatlong naaresto.

Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang haharapin ng tatlong naaresto.

Samantala, ito ang kauna-unahang operasyon ng mga pulis-Tacloban gamit ang body cam.

Isang non-governmental organization ang nagbigay ng pondo sa Police Regional Office sa Eastern Visayas para makabili sila ng gadget na gagamitin sa operasyon.

Nauna na ring sinabi ng Philippine National Police (PNP) na plano rin nilang bumili ng 175,000 body cameras para ipasuot sa pulisya sa kanilang mga operasyon.

Balak din ng lokal na pamahalaan ng Caloocan na pagsuotin ng body cam ang mga pulis nito kasunod ng pagkasawi ng mga teenager na sina Kian Loyd Delos Santos at Carl Angelo Arnaiz sa kamay ng mga pulis-Caloocan.

-- Ulat ni Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.