16-anyos na lalaki, suspek sa pananaksak ng 2 menor de edad

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2016 05:12 PM

LAOAG CITY - Suspek ang 16-taong-gulang na si "Ben" sa pananaksak at pambubugbog ng dalawang kapwa menor de edad sa Barangay 19, Laoag City, Martes ng hapon.

Batay sa imbestigasyon, pauwi na ang dalawang biktimang menor de edad nang umano'y saksakin ng suspek kasama ang isa pang lalaki.

Nagtamo ng sugat sa kaliwang dibdib na tumagos pa sa baga si "Jake" habang ang isa naman ay nagtamo ng sugat sa kaliwanag braso. Namamaga rin ang mata nito.

Nadamay din ang 20-anyos na kasama nila na si Oliver Remigio na nagtamo ng sugat sa ulo.

Maliban sa mga biktima, na-ospital din ang suspek na iniinda ang sakit sa ulo. Lumalabas na nabugbog rin siya ng mga biktima.

Tumangging magbigay ng anumang reaksiyon ang mga biktima, suspek, at mga kaanak nila.

Paliwanag ni Remigio, nadamay lamang siya nang sinubukan niyang patigilin ang gulo.

Sa follow-up investigation ng pulisya, nakasaad sa police blotter na bago mangyari ang insidente, hinahanap ng grupo ng mga biktima at inaabangan ang paglabas ng suspek sa kanyang paaralan.

Nakainom rin umano ng alak ang mga biktimang menor de edad.

Naniniwala naman ang pulisya na posibleng may matagal nang alitan ang dalawang grupo.

Naaalarma ang pulisya sa mga ganitong krimen na kinasasangkutan ng mga menor de edad sa lungsod.

Payo ng hepe ng pulisya na si Superintendent Edwin Balles, patnubayan ng mga magulang ang kanilang mga anak. Gayundin, dapat i-monitor at idaan sa regular counseling ng paaralan ang mga estudyanteng sangkot sa mga gulo.

Sa patnubay rin ng City Social Welfare and Development Office, inihahanda na ngayon ng pulisya ang posibleng kasong isasampa sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.