MAYNILA - Nagtipon-tipon sa San Juan City ang ilang Marcos loyalists, mga taga-suporta at mga kaibigan ng pamilya Marcos sa araw ng ika-51 na taon ng deklarasyon ng Martial Law sa bansa.
Setyembre 21,1 972 nang ideklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang batas militar sa Pilipinas.
Dumalo sa pagtitipon si Senador Imee Marcos na binalikan ang sinulat at sinabi ng ama nito ng magdeklara ito ng Martial Law sa bansa.
Ayon kay Marcos, marami ang mga haka-haka at nagiimbento ng tsismis sa kung ano ang nangyari sa panahon ng Martial Law. Ang makakapagbigay linaw dito anya ang mga heneral na nasa tabi ng kanyang ama.
"Kaya inaanyayahan natin ang mga heneral, mga sundalo, mga nag-trabaho sa tabi ng tatay ko na, i-kwento ang nalalaman nila kasi marami ang mga kuro-kuro, marami ang mga haka-haka, maraming tsismis, marami ang nagiimnbento ng kung ano-anong nangyari, eh sana yung mga nandun yung talagang sumapi sa mga pangyayari eh mag-kwento. Sila na ang magsabi kasi nandun sila, buhay na testigo," ani Marcos.
Pinabulaan din ni Marcos na may binabago sila sa kasaysayan. Ang pagkukulang lang daw nila ay hindi sila nagsasalita sa mga nangyari noong Martial Law.
"Aaminin ko, pagkukulang yun sa pangkat namin... Ngayon lang ulit nauso ang Marcos kayat parang ayaw makinig sa kwento namin, talagang kinukontra at lahat lahat, revisionism, re-writing eh wala namang kaming nire-rewrite. Kung ano ang alam nila, hinahayaan natin pero yung alam naman namin siguro me karapatan din ang taong bayan na maranig yung nangyari dun sa ating pagawa," ani Marcos.
Isa sa mga dumalo sa pagtitipon si dating National Security Adviser General Hermogenes Esperon.
Ayon sa kanya, may mga misconception ang ilan pagdating sa kalayaan ng mga Pilipino sa panahon ng Martial Law.
"Tulad ng mga nagsarang mga diyaryo o telebisyon o kaya yung basta-basta na lang magsalita. Hindi, kaya nangyari yun dahil kailangang ang isapuso natin at ilagay natin sa isip na ang ating individual freedom ay meron ding hangganan. Ang dapat yung ikabubuti ng komunidad o ng Pilipino, yun ang mangibabaw, hindi yung personal," ayon sa dating heneral.
Ayon pa kay Esperon, kailangan sundin ng mga Pilipino ang batas at maging disiplinado at mangibabaw ang pagmamahal sa bayan. May pasaring din sya sa mga kumukontra sa administrasyon. "Wala na tayong ginawa kundi awayin yung current administration. Yun pala gusto lang nating pumalit e. Maghintay muna kayo, tutal ang eleksyon sa 2025 pa naman, atsaka 2028... Pagbigyan natin, alam natin na ang leader naman natin ay may pagmamahal sa bayan," ayon kay Esperon.
Payo naman ni Marcos sa mga kabataan, dapat buong-buong alamin ng mga ito ang kasaysayan.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.