PatrolPH

Paggunita sa ika-50 anibersaryo ng Martial Law idinaan sa protesta, mga programa

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2022 06:35 PM | Updated as of Sep 21 2022 08:07 PM

Sumugod ang ilang grupo sa Mendiola, Manila ngayong Miyerkoles para gunitain ang ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng martial law sa bansa. Raya Capulong, ABS-CBN News
Sumugod ang ilang grupo sa Mendiola, Manila ngayong Miyerkoles para gunitain ang ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng martial law sa bansa. Raya Capulong, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) - Idinaan sa protesta at iba pang mga programa ang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng Martial Law ngayong Miyerkoles.

Inaalala ang pagpirma ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa Batas Militar noong ika-21 ng Setyembre 1972, habang ang anak nitong si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang nasa pamunuan.

Sa Mendiola, Maynila, sumugod ang mga aktibista, bitbit ang mga placard na nagsasabing, "Never again to Martial Law." Anila, patuloy na nararamdaman ang mga multo ng Batas Militar at hustisya pa rin ang kanilang panawagan. 

"Hindi natin mabubura ang kasaysayan. Hindi natin puwede kalimutan lang kung hindi mumultuhin tayo. Manunumbalik ang kapalpakan, ang malaigim na yugto ng kasaysayan na 'yun," sabi ni Sanlakas Secretary-General Atty. Aaron Pedrosa. 

"Dapat ang mga nasa gobyerno at nasa katungkulan, sila pa ang manguna upang hindi mabura ang malagim at malatrahedyang kabanata ng ating kasaysayan na 'yan," dagdag niya.

Ayon kay Pedrosa, dismayado sila na makalipas ang 50 taon, mailap pa rin ang hustisya para sa mga biktima ng Martial Law.

Watch more News on iWantTFC

"Hanggang ngayon, hustisya pa rin ang panawagan. Bakit mailap? Kasi mismo ang mga nakaupo ay sumusuko na at sinusuko na ang kanilang obligasyon na tiyaking may pananagutan ang mga Marcos," sabi niya.

"Hindi ibig sabihin na nakaluklok ang mga Marcos ay kinakalimutan na natin ang kasaysayan. Dapat lalo tayo pumipiglas. At dapat lalo tayo lumalaban 'pagkat nakaamba ang muling panunumbalik ng mga patakaran na hindi naipatupad after martial law, after 1986 - 'yung talamak na pag-agaw sa kapangyarihan ng ilang mga crony. And we are seeing it right now."

Isa pang grupo ng mga aktibistang ang nagtangkang makalapit sa Mendiola Peace Arch. Pero naharang sila ng mga pulis na may dalang kalasag at yantok.

Ilang minuto lang silang nagsagawa ng programa at nagpahayag ng kanilang mga hinaing sa gobyerno.

Mabilis at maayos namang natapos ang kilos-protesta, pero nakabantay sa paligid ang mga pulis.

May nagtipon-tipon din sa Plaza Miranda sa Quiapo. Kinabibilangan ang mga ito ng mga pro-Marcos group, at anti-Marcos.

Nagsagawa rin ang Kabataan party-list ng maiksing programa sa kanto ng EDSA at Roxas Boulevard.

Ang grupo ay binubuo ng mga estudyante. Anila, hindi katanggap-tanggap ang sinasabi ng mga pulitiko na mag-"move on" na ang bansa sa Martial Law.

 

Hindi naman naging hadlang ang sama ng panahon para dagsain ang paggunita ng Batas Militar sa University of the Philippines sa Diliman, Quezon City. 

Para sa mamamahayag at aktibista noon na si Satur Ocampo, hindi katanggap-tanggap ang pahayag na "mag-move on" pagdating sa Martial Law dahil wala aniyang pagsisisi sa panig ng mga Marcos. 

"Walang natatangap na anumang pahiwatig ng kanilang acknowledgement ng mga ginawa ni Marcos na masama. 'Yang mga kinurakot na kayamanan hindi pa recovered. 'Yung mga unpaid estate tax nila, kaso yan, convicted sila diyan, hindi 'yan binabayaran. Papano magkakaroon ng reconciliation, unity, panawagan ni Bongbong, kung ini-ignore nila at iniiwasan ang kanilang pananagutan, 'yung accountability," ani Ocampo, na kasama sa mga dinampot at tinortyur noong Batas Militar. 

Watch more News on iWantTFC

Dinagsa ng mga manonood ang dokumentaryong '11,103' na tungkol sa istorya ng mga naging biktima ng Martial Law.

May mga aktibidad pang gagawin ang mga grupo para ipaalala sa publiko kung bakit importante na huwag kalimutan ang mga pinahirapan, pinatay, inapi, at inulila sa panahon ng Batas Militar. 

Ayon sa human rights watchdog Amnesty International, aabot sa 100,000 katao ang naging biktima ng Batas Militar, kung saan 3,000 ang namatay, 34,000 ang na-torture, habang 70,000 naman ang naaresto. 

Aabot naman sa $5 bilyon hanggan $10 bilyong ill-gotten wealth ang nalimas ng mga Marcos, batay sa ulat ng World Bank-United Nations Office on Drugs and Crime's Stolen Asset Recovery. 

-- Ulat nina Raya Capulong, Jeck Batallones, Reiniel Pawid, at Jorge Carino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.