PatrolPH

Lalaki sa Bulacan patay matapos mangisda gamit ang live wire

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2022 07:14 PM

Patay ang isang 30-anyos na lalaki dahil sa pagkakakuryente matapos gamitin ang live wire sa pangingisda sa San Jose Del Monte, Bulacan nitong Linggo ng umaga.

Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, nagpaalam umano ang mister sa asawa na mangingisda siya sa ilog malapit sa kanilang bahay sa Barangay San Manuel.

Hindi alam ang misis na live wire pala na nakasaksak sa kanilang bahay ang gagamitin ng asawa.

"Itong ating biktima ay nagpaalam sa kanyang asawa na mangisda, manguryente dito sa karatig nilang lugar subalit hindi alam ng asawa na 'yung cable, 'yung kuryente niya nakasaksak sa live wire," ani Ronaldo Lumactod, acting chief of police ng San Jose Del Monte.

"Kaya nung pinasok niya sa ilog 'yung live wire, 'yung boltahe, malakas na boltahe pumasok lahat sa katawan niya," dagdag niya.

Dahil nakalusong umano sa tubig, nakuryente ang biktima at nasunog ang kanyang katawan.

Nakita ng isang kapitbahay ang biktima at sinubukan pang i-revive.

"Dinala po siya kaagad sa malapit na ospital ng San Jose del Monte, Bulacan, subalit dineklara na po siyang dead on arrival," ani Lumactod.

Nakita ng mga rumespondeng tauhan ng Philippine National Police sa crime scene ang extension wire na ginamit ng biktima.

— Ulat ni Gracie Rutao

IBA PANG ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.